Sa mga Huling Sandaling Magsasabay Tayo sa Pag-uwi

December 25, 2007 at 6:40 am (Poetry)

Ngawit na ang araw sa pagkapit
Sa langit at oras na para tayo’y umuwi.

Alam natin ang pagkutob nito: Hahayaan na nating tayo’y madakip
Magpalakip sa kamay ng panahon
At naisip mong maari tayong tumakas sa ulirat,
Pumunta sa masukal na kalibliban
Ng makahoy na ala-ala at doo’y
Magtago
Nangangatog.

Ngunit ang kasalukuya’y narito
Tayong dalawa
Naglalakad sa maliliit na sementong
Parisukat, nagnanaknak ng isang-libo’t
Isang daang luha’t halakhak.

Kaya’t magkukuwentuhan tayo
At ipipinta mo sa langit,
Sa ibabaw ng tore ng maykapangyarihan
At malulupit ang kulay ng iyong isip.

Ito na nga ang walang hanggang walong
Minuto ng ating buhay.

Bukas, wala na ako.

Wala nang kasalo sa pagkain ng sisig
At pag-inom ng NAWASAng tubig ngunit
Alam kong nauunawaan mo ang lahat ng ito:

Tinatabas ng manong sa ating gilid
ang tangkay ng halaman
At itatanim upang umusbong na mas mayabong,
Mas malaki.

Kaya’t sa ganitong mga huling sandaling
Magsasabay tayo sa pag-uwi,
Batirin mong sabay tayo ng jeep
Na sasakyan.

Post a Comment