Sa mga Huling Sandaling Magsasabay Tayo sa Pag-uwi
Ngawit na ang araw sa pagkapit
Sa langit at oras na para tayo’y umuwi.
Alam natin ang pagkutob nito: Hahayaan na nating tayo’y madakip
Magpalakip sa kamay ng panahon
At naisip mong maari tayong tumakas sa ulirat,
Pumunta sa masukal na kalibliban
Ng makahoy na ala-ala at doo’y
Magtago
Nangangatog.
Ngunit ang kasalukuya’y narito
Tayong dalawa
Naglalakad sa maliliit na sementong
Parisukat, nagnanaknak ng isang-libo’t
Isang daang luha’t halakhak.
Kaya’t magkukuwentuhan tayo
At ipipinta mo sa langit,
Sa ibabaw ng tore ng maykapangyarihan
At malulupit ang kulay ng iyong isip.
Ito na nga ang walang hanggang walong
Minuto ng ating buhay.
Bukas, wala na ako.
Wala nang kasalo sa pagkain ng sisig
At pag-inom ng NAWASAng tubig ngunit
Alam kong nauunawaan mo ang lahat ng ito:
Tinatabas ng manong sa ating gilid
ang tangkay ng halaman
At itatanim upang umusbong na mas mayabong,
Mas malaki.
Kaya’t sa ganitong mga huling sandaling
Magsasabay tayo sa pag-uwi,
Batirin mong sabay tayo ng jeep
Na sasakyan.
Ang Puta (Lacaba Remix 2006)
Hindi nasunog ang puta
Nang siya’y pumasok sa simbahan
Upang mangumpisal,
Di tulad sa tinuran ng mga manang
Na hinipan na ng kalumaan-
Lumalagutok ang mga tuhod
At di na nababasa ang mga tumbong.
Diretso lang ang tingin ng puta,
di pansin ang paninigas
ng armas ng mga mama’t totoy
mga putitoy lahat dumaan at dadaan
sa kanyang puwerta kahit si Meyor
(iboto niyo siya, malapit na ang halalan)
Nagmura ng dasal ang ilang kababaihan
O Diyos nila, iligtas mo raw sila
Dahil hindi sila puta. Wala silang ibang
Ginawa kundi ang pagsilbihan ka,
Anakanamputa.
“Magsisi ka’t ika’y patatawarin”
Sinalsal ng nagdarasal na puta ang pari
Para masagip sa kasalanan ng ari.
Tulang Dugtungan
Nawawala rin ang mga salita
sa isip ng makata.
Sa panahong madilim
at kulimlim ang
diwa ay hindi
niya kayang kunin
at ikulong ang mga alagad
sa kanyang pluma.
Makikiramdam sila
at makikiramdam pa,
maingat ang mga maliit
na lakad palabas sa tenga,
mata, bibig, ilong at
tumbong ng makatang
naghihilik, ginagahasa
ng haraya.
—lines from a poem unwritten
Ang Pagbabalik
Matagal-tagal na rin bago ko harapin ulit ang nagbblink na cursor ng computer. Ngayong may sarili na akong computer sa bahay eh wala na akong dahilan upang mag-inarte sa hindi pagsusulat ng blog. Haharapin ko na ang isang katotohanan sa buhay ko: na mapurol na ang isip ko sa pagsusulat. Kaya sana ay pagpasensyahan mo ang mga una kong isusulat dito, baka hindi mo trip. Eto na, magbblag na ako…